Munting Dahon #68

Paano na ang sinaing?
Kung nahanda na ang lahat-lahat,
magbabantay na lamang ang kailangan.

Bungangaang sapilitan,
usapang walang magkaintindihan.
Galit sa galit,
puso sa puso,
ang tibok hindi dinig.

Maayos nga na walang
kalderong lumilipad
o kutsilyo’t kubyertos na magkakapakpak.

Pero paano na ang sinaing?
Sino ang magbabantay,
na ang musmos na anak ay wala pang tinig,
at sa pagitan ng dapat na nagmamahalan
ay poot ang naghahari?

Paano na ang sinaing
kung ang pag-ibig ay wala na?

Paano na ang sinaing
kung ang mahal sa bigas ay wala na?

Paano na ang sinaing
kung ang hinain ay babalewalain?

Paano na ang sinaing
kung sa hapag ng tahanan
lahat ay walang ganang kumain?

Masarap man ang isasabay na ulam sa kaning mainit,
kung irapan at samaan lamang ng loob ang isasabaw
sa dapat na nguyang masigasig.

Paano na ang sinaing?
Kung mismong pangakuan ay mistulang iniluluwa,
kung sakaling mainit pa ang subo sa pagkain.

Paano na ang sinaing,
kung sa hapag ay wala nang kakain
at sa bahay na tahanan ay walang tumatahan —
kung mismo ang sinabing panghabang buhay
ay siya na ngayong kinakain?

Comments

Popular posts from this blog

Munting Dahon #66