Posts

Munting Dahon #69

Pa, ano na ang sinaing? Luto na ba, o hanggang ngayo’y lagpas-lagpas pa rin sa guhit ang takal — hindi ng tubig, kundi ng alak na siyang dinadahilan sa pagkawatak-watak ng pamilyang dapat ay sama-sama sa may hapag na walang samaan kundi ng magandang samahan at galak na ngitian. Pa, ano na ba nangyari sa sinaing? May ulam na, heto na — pero bakit parang ayaw n’yong dalawa magkita ni Mama, mata sa mata, tenga sa tenga, puso sa puso, tibok sa tibok. Maganda sana kung intindi n’yo ang isa’t isa. Ma, Pa.. Yung sinaing luto na. Yung ulam nakahanda. Pero.. Paano na 'to? Ma'ano na 'to? Pa, ano na? Ma, ano na? Yung sinaing… Ba't ganun ang amoy? Pa, ano na? Bakit yung ibabaw hilaw pa? Ma, ano na? Bakit may tutong? Bakit basa pa? Pa, ano na? Ma, ano na? Kakain na ba? Kakain.. pa ba?

Munting Dahon #68

Paano na ang sinaing? Kung nahanda na ang lahat-lahat, magbabantay na lamang ang kailangan. Bungangaang sapilitan, usapang walang magkaintindihan. Galit sa galit, puso sa puso, ang tibok hindi dinig. Maayos nga na walang kalderong lumilipad o kutsilyo’t kubyertos na magkakapakpak. Pero paano na ang sinaing? Sino ang magbabantay, na ang musmos na anak ay wala pang tinig, at sa pagitan ng dapat na nagmamahalan ay poot ang naghahari? Paano na ang sinaing kung ang pag-ibig ay wala na? Paano na ang sinaing kung ang mahal sa bigas ay wala na? Paano na ang sinaing kung ang hinain ay babalewalain? Paano na ang sinaing kung sa hapag ng tahanan lahat ay walang ganang kumain? Masarap man ang isasabay na ulam sa kaning mainit, kung irapan at samaan lamang ng loob ang isasabaw sa dapat na nguyang masigasig. Paano na ang sinaing? Kung mismong pangakuan ay mistulang iniluluwa, kung sakaling mainit pa ang subo sa pagkain. Paano na ang sinaing, kung sa hapag ay wala nang kakain at sa bahay na tahanan a...

Di uso #1

mga bagay na di lalabas sa inyong isip #1: tangina bat ko nilagyan ng asin yung kape

Munting Dahon #67

Bulag sa gatuldok na hiwaga. Bulag sa tunay na himala. Gatuldok lamang ang pananampalataya. Tunay nga na hiwaga, Himalang gatuldok lamang Ang pananampalataya.

Munting Dahon #66

Kayo na po ang bahala, Hindi na ako maniniwala Sa mga sabi-sabi Na h'wag na ako mag tiwala. Ikaw lang talaga ang dapat na sisihin Sapagkat ikaw ang may nais At lahat ay may kadahilanan.

Munting Dahon #65

Pumunta akong langit Ang pagpasok ay may singil, Sais pesos para sa isa. Singko lamang ang aking dala. Lingon kong mabigat Sa aking likuran. Lima pa na aking kasabay, Kanila ding bitbit ay tig-iisang lima. Ako ba'y manlilimos ng lima O magpapalimos ng tig-iisa? O tulad ng iba na sadya ay wala, Anim kaming magsasama-sama. Marahil ito na ang tamang panahon Na ako'y hihingi ng tawad.

Munting Dahon #64

H'wag mong gisingin ang gising. Gisingin mo ang bagong gising.