Posts

Showing posts from September, 2023

Munting Dahon #52

Naglayag ang dagat, dala niya ang simoy ng alat. Hindi mababatid ang tabang ng pinagmulang niyang sapa.

Munting Dahon #51

Ang kamay niya nagdadalamhati Diwa niya 'di maabot. Masalimuot na panaginip, Gigising sa bangungot. Hihilain ang kumot, Sa paanan ay hindi aabot at tanging mukha lang ang tatakpan.

Munting Dahon #50

At alam niyang hindi siya ang karapatdapat.

Munting Dahon #49

Ang daing ng dagat, sigaw na maalat, ulam sa hapagkainan Ang daing na maalat.

Munting Dahon #48

Nakatinging buwan Maalisangan lansangan. Tapos na ang dula-dulaan ang baso'y iikot na, kaakibat ng pait ang tubig ng walang pambili. Tamis ng kinabukasan, malilimot na lamang.

Munring Dahon #47

Ninais magsalita, Pinigalan ang dila. Walang katwiran sa munding hindi makatarungan. Tanging katotohanan lamang ang mga mahihinang dagundong ng mga paos na boses, "hustisya." Tamang likes lang at tapos na ang drama.

Munting Dahon #46

Sinadyang hindi makatarungan, walang hustisyang nilalalang. Makatwirang kasinungalingan Nagwawagi ang kasamaan. Amoy ng laban, Kahit sinuman ay hindi magtatagumpay.

Munting Dahon #45

Ngumiti, napailing, napatingin sa ibang landas, naligaw ang titig pabalik, hindi makatotohanan, ang oras ay tumatakbo, hindi batid ng magkasintahan.

Munting Dahon #44

Maalat, napapanahon, masalimutot, napakakirot, makatotohanan, napatunayan, matalinghaga at nakakaloko. Ang asin na nakaidlib sa ibabaq ng kaldero. Luntian pa ang bigas, malata ang paparating na mamaya.

Munting Dahon #43

Sumulyap ang mga rekado, Sa binuksang pagkakasara, Humipo ang amoy ng ulam sa puso ng ilong ng mapusok na manliligaw. Ramdam ang init at asim ng pagibig na dala ng sinigang.

Munting Dahon #42

Umalon ang kurtina, papasok sa loob ang hangin may dalang simoy ng tubig. Parating na ang ulan, walang ilaw sa tahanan. Nakaupong nagpapaypay Ang matandang lola.

Munting Dahon #41

Inunahan na niya ang panahon, at tinaggap na niya ang paparating. Kaakibat ng kanyang pananampalataya ang puhunan ng kanyang diwa. Sinangla na niya ang kanyang kaluluwa, wala na ang kanyang diwa, ngunit siya pa rin ang nangunguna sa pagtuturo ng pagniniwala.

Munting Dahon #40

At ang kanyang piring ay hindi pra makakita at kundi pra hindi makita ang kaluluwa niyang lumuluha.

Munting Dahon #39

Hindi ba't parang biro? Siyang walang pananampalataya ay siya pang nagtuturong manalig. Sayang.

Munting Dahon #38

At ako'y uhaw at nananabik, naiinip, naghihintay, nanggagalaiti, at hindi mapakali. Kinalimutan na at sadya na ring kinalimutan. Heto ang parusa.

Munting Dahon #37

Nakatingin ang buwan. Ang mga ulap ay nakapikit. Ang mga bituin ang piring. Ang hangin ang tinig. Kidlat sa malayo, kulog ay hindi marinig. Nagluluntiang mga luha, magmumula sa himpapawid at papatak sa lupang tinitignan, nakatingin, naghahabol ng titig, at nakikinig. Hindi magabot ang daliri ng lupa at kalangitan.

Munting Dahon #36

Dapat pa bang mapatawad para mabiyayaan?

Munting Dahon #35

At sa aking pagtanggap ay sariling inaadya sa kasamaan, tutupdin ang mga palutuntunan at igagalang ang mga nakasaad. Akong makasalanan na hindi na humihingi ng kapatawaran, mali bang ako'y manalig upang mabiyayaan.

Munting Dahon #34

Sadya bang mainipin, akong walang pananalig, na muling manalingin at manghingi sa ika isang daang araw? O sadya lang bang ako'y kulang sa pagsamba na sa isang daang araw at isa ay siyang darating ang biyaya.

Munting Dahon #33

Marahil ay di makikinig ang iyong diwa Ang iyong mga mata ay bigla nalang luluha. Magpapasabik sa iyong paghikbi Ang sakit at hirap ng bagang kumukurap. Liligalig ang iyong katha, Magbabalik tanaw sa mundong likha. Paano kung iba ang sa iyo'y itinadhana?

Munting Dahon #32

Pinayungan ng mga pilik ang mga matang payak. Misang tunghayan, sayawan ng mga kaluluwa. Daing ng mga bata ang prinsipe na magpakumbaba. Dinig naman ang tinig ng prinsesang indi mapakali Sa lilim ng pintuan ng kanyang sariling silid. Mga pangarap na nilisan at naibsan, Magpakailanman magiging pangarap lamang.

Munting Dahon #31

Gumagapang ang tubig, Lalapit sa paanang sumisilim. Wawangisin ang yapak, Sa bandang dulo nakayakap ang kalsadang bahag sa panunuyo. Habang aakitin ang diwang nanunuyo. Sisigaw ang banaad, "Kuya sa kabila ang bayad." Lilingon ang suwelas, Aatras, sabay, walang pakundangan, Sa luha ay hindi magpupumiglas. Kapaligirang basa at maalinsangan. Aapak sa tubig, Nagwagi ang hindi pag-ibig.

Munting Dahon #30

Gumuhit sa kanyang labi ang isang ngiti hindi niya inakala. Aninag sa kanyang mga mata ang inaasamasam.

Munting Dahon #29

Mistulang tagapangasiwa ng araw ang mga medalya't tropeyong nakasabit sa  dingding. Ang mga sapot at duming nakadikit dito ang naghuhudyat sa kapanahunan.

Munting Dahon #28

Binakurang tahanan, pinalibutan ng rehas na yare sa asero, kahoy at galit sa mga nanggagalaiting mga paningin.

Mubting Dahon #27

Gumuhit sa pinggang ang kinaluskos na kobyertos. Makukulit na kamay ng mga paslit, tanging nanay lang nila ang naririndi.

Munting Dahon #26

Haranang hinarinahan, hinaluhan ng asukal sabay minasa. Sumisipol ang panadero. Sa kanyang isip ang magandang binibining bibili.

Munting Dahon #25

Sumuway ang matandang ale. Sumayaw ang magandang binibini. Sumabay ang mga batang giliw na giliw. Sumemplang ang dalawang kalalakihan sumusulyap.

Munting Dahon #24

Pinirasong ulam, ibinihagi sa plato ng mga magaaral. Tanging ilaw lamang ang nasa mesa pero wala sa hapag.

Munting Dahon #23

Kinubli ang kwarderno. Sumisitsit ang guro. Humayo ang disipulo patungo sa kwarto.

Munting Dahon #22

Sumagisag, sumikbolo, sumalamin, sinipa.

Munting Dahon #21

Tumahan ang mga alapaap, sumulyap ang araw. Kumislap ang kapaligiran. Basang kalsada. Ebak sa may gilid ng daanan.

Munting Dahon #20

Napanahon ang palaisipang pagkukunwari. Ang namunong nagbbalat kayo, bakat sa mata ng mga tao ang hangarin.

Munting Dahon #19

Nakatiwawang na ulam sa hapag ng kahapon. Kinalimutan ng mahabang sandali. Tanging mga mababait lamang ang nakaalalang tumikim.

Munting Dahon #18

Luha sa isang baso. Walang isang tagas ng tubig ang siyang makatakas. Tanging lamig lamang ng yelo ang makakapawi sa uhaw ng hahawak na palad.

Munting Dahon #17

Nakatitig ang mga mata ng isdang nakahiga sa platitong nasa hapag. Hindi ito nagmamakawa ngunit ito'y nanghahamon. Mahuhuli kaya sa patibong yari sa tinik ang mapanglunok na lalamunan?

Munting Dahon #16

Nakasimangot na sugat. Gasgas sa munting halik ng lupa. Luhaang bata na pintatahan ng kapatid na walang magawa.

Munting Dahon #15

Lilinlangin ng ating mga mata ang ating diwa. Pipirangan tayo ng makabuluhan walang katha at ipaphiwatig sa atin ang saysay ng ating sangkatauhan. Ngunit hindi ito ang hiwatig ng ating kasarinlan.

Munting Dahon #14

Awitin mo s aakin ang mga kasinungalingan makatotohanan at aking diringgin ang iyong mga payong makapaghatid sa akin sa kapahamakan. Ang aking diwa'y banyaga sa kabutihan, aruga't pagmamahal. Ibsan mo ang gutom ng aking pananabik at pagnanasa. Tanggal ko na ako'y makasalanan.

Munting Dahon #13

Kunware ay tayo ang mga ibong namamastol ng diwa. Maaga tayong babangon at aawit ng mga palay at mga insekto. Lilikha tayo ng dayami na yare sa tirahan ng ating supling. Lalanguyin natin ang himpapawid, tanging mga nakakakita lamang ang siyang maiingit sa ating paghalik sa alon ng langit.

Munting Dahon #12

Umuulan ng dahon at dala ng hangin ang luntiang simoy. Bitbit ng mga damo ang baanag na hamog na minithi ng madaling araw.

Munting Dahon #11

Tumatawang mga mata at mapungay na ngiti, tila ba hindi pangkaraniwang ang kanyang pagkamasiyahin. Tiyak na siya lamang ang nakakaalam.

Munting Dahon #10

Hahalik sa kanyang labi ang kamay na may dalang kanin at ulam.

Munting Dahon #9

At hindi sumagi sa kanyang isipan ang masalimuot na katotohanan ay ang katotohanan ng lahat.

Munting Dahon #8

Gagabay ang kamay ng oras sa mga pilik ng batang wawaksi sa kanyang pagkakahimbing. Aawitin ng kanyang ina ang haranang tanging puso nito'y makakaintindi nakalaan para lamang sa kanya.

Munting Dahon #7

Kunwari ay tayo mga tauhan  sa isang duladulaan at mga langgam ang ating mga tagatunghay. Ilan kaya silang bibilangin natin na siyang pumupuri sa ating matatamis na wikain at palitan ng malapulot na parinigan.

Munting Dahon #6

Handa na ang sibat ngunit ang tenga't pwetan ng bata hindi pa nasasabik sa mangyayari.

Munting Dahon #5

Tutuligsa ang alipatong kulimlim. Ningas na ang pugon, sunog na ang pwetan ng kaldero at ang simoy ng hangin ay ang sunog na kanin.

Munting Dahon #4

Mga mahiwagang piring ang sasalamin sa mga hindi hiyang sa katotohanan. Tanggap nila na wala silang kayang magawa.

Munting Dahon #3

Wiwika, luluha, tatawa, tutula, titingala at kakanta ang diwang kailanman 'di maaabot ng ibang lulong na sa katotohanan.

Munting Dahon #2

Sa kanyang dibdib mahinahong hihinga ang hangin ng kahapon.

Munting Dahon #1

Sinasalamin ng kanyang luha ang sunog na sinaing.