Posts

Showing posts from August, 2025

Munting Dahon #69

Pa, ano na ang sinaing? Luto na ba, o hanggang ngayo’y lagpas-lagpas pa rin sa guhit ang takal — hindi ng tubig, kundi ng alak na siyang dinadahilan sa pagkawatak-watak ng pamilyang dapat ay sama-sama sa may hapag na walang samaan kundi ng magandang samahan at galak na ngitian. Pa, ano na ba nangyari sa sinaing? May ulam na, heto na — pero bakit parang ayaw n’yong dalawa magkita ni Mama, mata sa mata, tenga sa tenga, puso sa puso, tibok sa tibok. Maganda sana kung intindi n’yo ang isa’t isa. Ma, Pa.. Yung sinaing luto na. Yung ulam nakahanda. Pero.. Paano na 'to? Ma'ano na 'to? Pa, ano na? Ma, ano na? Yung sinaing… Ba't ganun ang amoy? Pa, ano na? Bakit yung ibabaw hilaw pa? Ma, ano na? Bakit may tutong? Bakit basa pa? Pa, ano na? Ma, ano na? Kakain na ba? Kakain.. pa ba?

Munting Dahon #68

Paano na ang sinaing? Kung nahanda na ang lahat-lahat, magbabantay na lamang ang kailangan. Bungangaang sapilitan, usapang walang magkaintindihan. Galit sa galit, puso sa puso, ang tibok hindi dinig. Maayos nga na walang kalderong lumilipad o kutsilyo’t kubyertos na magkakapakpak. Pero paano na ang sinaing? Sino ang magbabantay, na ang musmos na anak ay wala pang tinig, at sa pagitan ng dapat na nagmamahalan ay poot ang naghahari? Paano na ang sinaing kung ang pag-ibig ay wala na? Paano na ang sinaing kung ang mahal sa bigas ay wala na? Paano na ang sinaing kung ang hinain ay babalewalain? Paano na ang sinaing kung sa hapag ng tahanan lahat ay walang ganang kumain? Masarap man ang isasabay na ulam sa kaning mainit, kung irapan at samaan lamang ng loob ang isasabaw sa dapat na nguyang masigasig. Paano na ang sinaing? Kung mismong pangakuan ay mistulang iniluluwa, kung sakaling mainit pa ang subo sa pagkain. Paano na ang sinaing, kung sa hapag ay wala nang kakain at sa bahay na tahanan a...