Munting Dahon #69
Pa, ano na ang sinaing?
Luto na ba,
o hanggang ngayo’y lagpas-lagpas pa rin
sa guhit ang takal — hindi ng tubig,
kundi ng alak na siyang dinadahilan
sa pagkawatak-watak ng pamilyang
dapat ay sama-sama sa may hapag
na walang samaan kundi
ng magandang samahan at galak na ngitian.
Pa, ano na ba nangyari sa sinaing?
May ulam na, heto na —
pero bakit parang ayaw n’yong dalawa
magkita ni Mama,
mata sa mata,
tenga sa tenga,
puso sa puso, tibok sa tibok.
Maganda sana kung intindi n’yo ang isa’t isa.
Ma, Pa..
Yung sinaing luto na.
Yung ulam nakahanda.
Pero..
Paano na 'to?
Ma'ano na 'to?
Pa, ano na?
Ma, ano na?
Yung sinaing…
Ba't ganun ang amoy?
Pa, ano na?
Bakit yung ibabaw hilaw pa?
Ma, ano na?
Bakit may tutong?
Bakit basa pa?
Pa, ano na?
Ma, ano na?
Kakain na ba?
Kakain.. pa ba?
Comments
Post a Comment